Friday, February 05, 2021

Payo

 Mga Payo Para Laging Bata (Part 2)

Payo ni Doc Willie Ong





Mayroong mga paraan para lagi tayo manatiling bata. Kapag susundin natin ang mga payong ito, mapapabagal natin ang pag-edad.

1. Mag-ehersisyo. Puwede ang paglalakad, pagsasayaw, jogging o swimming.

2. Magsipilyo ng 3 beses bawat araw at gumamit ng dental floss. Maraming impeksyon ang puwedeng magmula sa ngipin at lumipat sa puso at katawan.

3. Magpabakuna. May mga bakuna laban sa hepatitis B, pulmonya, trangkaso, at iba pa. Kumonsulta sa doktor kung kailangan mo ito.

4. Inumin lang ang tamang gamot. Itanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot o supplement. Mas mabuti na magtanong sa 2 doktor para makasiguro na tama ang iyong iniinom. Baka naman sobra o kulang ang iyong iniinom.

5. Alamin ang mga sakit ng iyong pamilya. Kapag natukoy mo na ito, gumawa ng paraan para maiwasan ito. Halimbawa, kung may lahi kayo ng sakit sa puso, magpasuri ng maaga sa iyong doktor. Maraming sakit ang namamana at puwede natin itong maagapan ng maaga.

6. Uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw. Pag-gising sa umaga, ugaliing uminom ng isang basong tubig. Ito’y dahil medyo dehydrated ang ating katawan pagsapit ng umaga. Uminom ng pakonti-konti sa buong araw. Huwag din bibiglain ang pag-inom ng 2 o 3 basong tubig, at baka makasama ito lalo na sa may edad. Ang mga senior citizen ay puwedeng uminom ng mga 6 basong tubig lang sa isang araw.

7. Umiwas sa araw. Nakatatanda ang araw dahil kukulubot ang iyong balat. Puwedeng magpa-araw ng 10-15 minuto sa umaga at bandang hapon.

8. Umiwas sa usok, alikabok at polusyon sa lansangan. Nakasisira ito ng iyong kutis.

9. Huwag manigarilyo at lumayo sa usok ng sigarilyo. Bukod sa sari-saring kanser na dulot ng sigarilyo, mabilis ding magpakulubot ng mukha ang sigarilyo. Mangingitim din ang iyong ngipin at labi.

10. Mamuhay lamang ayon sa iyong kakayahan. Magtipid at mag-ipon ng pera para sa iyong kinabukasan. Umiwas sa pagkabaon sa utang. Mabilis magpatanda ang problema.

11. Huwag mag-retiro. Never retire! Kahit ika’y edad 70, 80 o 90, ituloy lang ang iyong mga dating ginagawa. Pumunta pa rin sa opisina kahit patingin-tingin lang. Kailangan ay laging gumagana ang iyong utak at katawan.

No comments: