Mahalagang Payo Sa May TB
Payo ni Doc Willie Ong
Sa Pilipinas, may 73 Pilipino ang namamatay dahil sa TB bawat araw. May tinatayang 200,000 hanggang 600,000 Pilipino ang may aktibong TB. Bawat taon, ang isang pasyenteng may aktibong TB ay makahahawa ng 10 ibang Pilipino.
Ang sintomas ng TB ay ang pag-ubo, pamamayat, pagkapagod, lagnat sa hapon, pawisin sa gabi at walang ganang kumain. Kung may sintomas kayo nito o kung may kasama kayo sa bahay na may TB, kumonsulta na sa doktor.
Payo sa may TB:
1. Huwag manghawa ng ibang tao. Sundin ang payo ng doktor at inumin ang gamot ng 6 o 9 na buwan. Kapag hindi nagpagamot ang pasyenteng may TB, malamang ay mahawa din ang lahat ng kasama niya sa bahay, lalo na ang mga bata.
2. Manatili sa bahay sa unang 3 linggo ng gamutan. Huwag munang pumasok sa eskwelahan o trabaho. Ang iyong plema at laway ay puwedeng makahawa sa iba.
3. Buksan ang bintana sa iyong kuwarto. Huwag muna makisama sa iba sa loob ng 3 linggo.
4. Takpan ang iyong bibig ng tissue kapag umuubo o bumabahing. Itapon ang tissue sa basurahan.
5. Kung gusto mong lumabas ng bahay, puwede kang magsuot ng face mask.
6. Mahalaga na tapusin ang 6 o 9 buwan na gamutan para sa TB. Huwag ititigil ito nang walang pahintulot ng doktor.
7. Sumunod sa healthy lifestyle at umiwas sa bisyo. Kumain ng masustansya para manatili ang lakas.
8. Maging positibo sa iyong pananaw. Ituloy ang iyong mga gawain at hobbies. Pagkatapos ng iyong gamutan ay malaki ang tsansang gagaling ka na.
Payo sa mga health workers:
1. Gamitin ang DOTS strategy o Directly Observed Therapy Short Course. Ang ibig sabihin nito ay may isang health worker o kamag-anak ang magbabantay sa pasyente habang iniinom niya ang kanyang gamot araw-araw.
2. Ano ang mangyayari kapag naitigil ng pasyente ang gamutan sa TB ng 2 linggo o higit pa? Sa ganitong pagkakataon ay kailangang ulitin ng pasyente ang 6 na buwan na gamutan.
3. Sana ay magpa-check up ang pasyente bawat buwan sa kanyang doktor. Ito’y para masuri ang epekto ng gamot at matugunan kung may side effects ito.
4. Kapag umiinom ng gamot para sa TB ay magiging kulay orange ang ihi ng pasyente. Normal lang ito at ituloy pa rin ang gamutan.
5. Karamihan ng pasyente ay gagaling na pagkatapos ng 6 na buwan na gamutan. Inaasahan nating tuluy-tuloy na ang kanyang paggaling. Good luck po.
No comments:
Post a Comment