Sunday, October 12, 2025

Betty Go Belmonte

 Mula 2003, ang 'Betty Go Belmonte' pa rin ang maituturing na pinakamalungkot na LRT 2 Station, kakaunti ang nasakay, kakaunti rin ang nababa, pero sa kabila ng katahimikan ng estasyon nakatago pala ang kwento sa taong dito'y pinangalan. 


Si Billie Mary "Betty" Go-Belmonte ay ang panganay na anak ni Go Puan Seng, ang nagtatag ng 'The Fookien Times' isang Filipino-Chinese newspaper sa bansa noon.


Walong taon noon si Betty ng pinili ng kanyang pamilya ang manirahan sa masukal at liblib na paanan ng Sierra Madre na malapit sa Ipo Dam upang umiwas sa mga Hapon, dito nila naranasang maghirap ng husto at mangahoy, iniwan ang karangyaan at kayamanan upang hindi mapaslang ng mga mananakop. 


Pagkatapos ng giyera, bumalik sila sa syudad at nagsipag-aral kasama ng kanyang mga kapatid sa Kamuning Public School, na-bully noon si Betty dahil kanyang pangalang 'Billie' kaya mula noon sa pangalang 'Betty' na s'ya nakilala. 


Ang pangarap ni Betty ay maging misyonaryo at wala sa isip nito ang mag-asawa, hindi ito nagustuhan ng kanyang ama. Maging ang kurso nitong AB English ay desisyon din ng kanyang ama, 'di rin nito natupad ang pangarap sa sarili ang makapagtapos sa Fine Arts. 'Di man n'ya nakamit ito, ang galing nito sa English language at pagsusulat ang magdadala pala sa kanya sa tagumpay. 


Sa Kolehiyo, sinusingitan s'ya noong una ng mga kaklase dahil sa lahing chinese nito, kahit pa ang ina n'ya ay purong Filipino at Dual-citizen naman ang kanyang ama. Pero winalang-bahala n'ya ang mga panlalait ng mga ito, sa halip naging magaling na manunulat ng kanilang university newspaper, nanalo bilang student leader ng pamantasan at mula noon hinangaan na ang galing at talino nito. 


Nang maideklara ang Martial Law noong 1972, ang kanilang newspaper company ang isa sa mga pinasara, panahon kung saan kasal na ito kay Feliciano Belmonte Jr., hindi ito umalis ng bansa o nagtago gaya ng desisyon ng Amang magpunta ng Sierra Madre noong panahon ng digmaan, sa halip patuloy itong nagtrabaho at nagsulat sa mga aktikulo ng peryodikong piniling manatiling bukas ng gobyerno. 


1986, tinatag ni Betty ang dyaryong 'Ang Pilipino Ngayon' ito ang nangunang Filipino tabloid ng bansa noon. Sunod nito ang pagbubukas n'ya ng isa sa pinakamalaking broadsheet ng bansa ang 'The Philippine Star'. Tinalo ng kanyang kumpanya ang Inquirer at Manila Bulletin sa usapin ng sales at mas nagkaroon ng tiwala ang publiko sa kanila, nangako ito na mananatiling balance, objective, walang pinapanigan at fair ang reporting ng kanilang pahayagan. 


Sina Betty at Sonny Belmonte, Jr. ay may apat na anak, ito ay sina; Isaac, Kevin, Miguel and Joy Belmonte. Pumanaw si Betty sa Quezon City noong ika-28 ng Enero 1994 dahil sa cancer pero hindi papanaw ang kanyang ala-ala sa paglaban n'ya para sa matuwid, wasto at tamang pagbabalita na kailangan ng bayan. 


Bilang ala-ala sa kanyang naging ambag sa larangan ng peryodiko, ipinangalan sa kanya ang isang kalye bilang Betty Go-Belmonte Street na kalauna'y tinayuan ng isa sa station ng LRT



.

No comments: