Thursday, December 18, 2025

Tax every

 Bawat kilos, may katumbas na buwis. Welcome sa Republika ng Tax Pilipinas.


Sumakay ka ng eroplano? May travel tax at terminal fees.

Parang sinisingil ka dahil pinili mong umalis, kahit saglit lang.


Nag-donate ka sa kapwa? May donor’s tax kung lampas sa exemptions.

Kahit kusang-loob ang kabutihan, may papel pa ring hahabulin.


Namatay ka


na nga? May estate tax.

Kahit patay ka na, kailangan mo pang “mag-settle” bago ka matahimik.


May trabaho ka? May income tax at mandatory contributions.

Pawis mo ‘yan, pero buwan-buwan may kaltas na parang silent partner ang gobyerno.


Bumili ka ng bigas, kape, sardinas, sabon, gatas, gamot na hindi exempt? May VAT.

Sa bawat 100 piso, may 12 piso agad na paalam.


Bumili ka ng bahay o lupa?

May capital gains tax o creditable withholding tax sa bentahan, documentary stamp tax, transfer tax, at registration fees.

Pagkatapos no’n, taon-taon ka nang may real property tax o amilyar, plus Special Education Fund levy.

Kung bakante ang lupa at walang gamit, may idle land tax pa.

Hindi lang bahay ang binili mo, pati obligasyon na hindi natatapos.


Nagpagawa ka o nag-renovate ng bahay?

May building permit fee, inspection fees, at kung minamalas ka, penalties kapag may kulang sa papel.

Bago ka pa tumira, may singil na.


May sasakyan ka? May excise tax sa pagbili, motor vehicle user’s charge, registration fees, at fuel excise tax.

Bawat andar, may buwis. Bawat hinto, may bayad pa rin.


Nagnegosyo ka?

Income tax, VAT o percentage tax, annual registration fee, barangay clearance, mayor’s permit, fire safety fee, sanitary permit, signage fee, at penalties kapag nahuli.

Hindi ka monopolyo, pero parang franchise ng bayarin.


Online seller ka o freelancer? Taxable ka rin.

Kahit laptop lang at GCash ang puhunan mo, may mata ang BIR.


Uminom ka o nagyosi? May sin tax.

Parang sinasabi ng gobyerno: “Masama ‘yan, pero sige, basta may kita kami.”


May ipon ka sa bangko? May 20 percent final withholding tax sa interest at documentary stamp tax sa loans at certain bank instruments.

Pati pagtitipid, may bawas.


Nag-loan ka? May documentary stamp tax.

Bago ka pa makinabang, may singil na agad.


May insurance ka? May premium tax at DST.

Kahit proteksyon, may patong.


Nanood ka ng Netflix, Spotify, Disney+, YouTube Premium, o nagbayad ng cloud services, apps, o online subscriptions?

May VAT na rin sa digital services ng foreign providers.

Kahit palabas lang at kanta ang gusto mo, may kaltas na ang gobyerno bago pa mag-play.


Nagpadala ka ng pera galing abroad? Walang remittance tax ang gobyerno, pero may bank fees, foreign exchange spread, at service charges.

Hindi buwis sa papel, pero kaltas pa rin sa pawis ng OFW.


Nag-import ka ng gamit? May customs duties, VAT, import processing fees, storage fees.

At minsan, bayad sa “pabilisin,” kahit bawal.


Nagbenta ka ng lupa o kotse? May capital gains tax at documentary stamp tax.

Kahit ikaw ang dating may-ari, may exit fee ang gobyerno.


Nanalo ka sa lotto o game show? May 20 percent tax sa panalong lampas ₱10,000.

Kahit swerte, may kaltas bago ka ngumiti.


Nagbabayad ka ng kuryente at tubig?

May VAT, universal charge, system loss charge, environmental charges.

Pati inefficiency ng kumpanya, pasan mo.


May cellphone load at data ka? May excise tax at VAT.

Kada text at stream mo, may kabahagi ang estado.


Bumili ka ng gasolina, diesel, o LPG? May excise tax sa petroleum products.

Kahit global ang problema, lokal ang singil.


Uminom ka ng softdrinks o matatamis na inumin? May excise tax sa sweetened beverages.

Pati asukal, may buwis.



At sa kabila ng lahat ng ito, taon-taon may budget deficit pa rin.

May utang ang bayan, pero may confidential funds ang mga opisina.

May tax sa bawat galaw, pero kulang pa rin ang ospital sa probinsya.

May buwis sa mahihirap, pero may tax shields ang may milyon at abogado.


At ito ang masakit sa sikmura: halos ₱1.9 trilyon na ang inilaan sa flood control mula 2011 hanggang 2025.

Pero taon-taon, baha pa rin.

Ghost roads. Ghost dikes. Ghost drainage.

Lahat binayaran ng buwis mo.


Kaya noon, sinuportahan ko si Heidi Mendoza, isang world class auditor.

Kasi ang tax ng ina mo, babantayan niya.


Pero huwag tayong tumigil sa pagboto lang.


Kaya kailangang bantayan ang budget deliberations.

Kailangan tutok tayo sa bawat hearing, bawat amendment, bawat insertion, lalo na sa Bicam.

Diyan nagbabago ang numero. Diyan nawawala ang pondo. Diyan biglang lumalaki ang “special projects” na walang malinaw na benepisyo.


Ang galit natin, hindi dapat sa kapwa mamamayan na nagbabayad din ng buwis.

Dapat sa sistemang ginagawang normal ang pandarambong.

Sa mga mambabatas na tahimik kapag may insertion pero maingay kapag may kamera.

Sa mga opisina na humihingi ng tiwala pero ayaw maglabas ng resibo.


Hindi kasalanan ng tao na magalit.

Kasalanan ang manahimik kapag alam mong ninanakawan ka.


Bansa ba ‘to o subscription service?

Bawat bayad mo, walang customer support.

At ang pinaka-ironic sa lahat: ang korapsyon, hindi kailanman taxable, pero palaging profitable.


Sa Pilipinas, hindi ka lang taxpayer.

Isa kang full-time donor sa gobyernong may senior citizen ID sa accountability.


Anak ng putax talaga.







No comments: