Ang kinakatakot ko ay ang araw na kailangan pa ako ng mga anak ko, pero wala na akong maibigay sa kanila.
Bilang isang stroke survivor at ngayon ay isa nang dialysis patient, araw-araw kong nararamdaman kung gaano kahirap lumaban. May mga umaga na mabigat ang katawan ko. May mga araw na nahihilo ako, nanghihina, at pakiramdam ko ubos na ubos na ako. Pero bumabangon pa rin ako. Pumapasok pa rin ako sa trabaho. Kumikilos pa rin ako. Hindi dahil wala akong nararamdamang sakit, at lalong hindi dahil malakas ako, kundi dahil alam kong bawal akong sumuko habang may mga anak na umaasa pa sa akin.
Sanay na akong tiisin ang pagod, ang sakit, ang puyat, ang pressure, at ang mga problemang hindi ko na lang sinasabi. Pero may isang bagay na hanggang ngayon ay hindi ko kayang harapin nang walang takot — ang isipin na baka dumating ang araw na hindi ko na kayang magbigay ng baon, pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan ng pamilya ko.
Madalas, kapag tahimik ang isang tatay, iniisip ng iba na okay lang siya. Kapag nakikita pa siyang nagtatrabaho, akala nila kaya pa niya. Hindi nila alam na every smile hides exhaustion, at every step ay may kasamang sakit na pilit niyang nilalabanan.
Hindi madaling mabuhay na may dialysis. Hindi madaling mabuhay pagkatapos ng stroke. Pero mas mahirap para sa akin ang isipin na baka hindi ko na magampanan ang responsibilidad ko bilang ama.
Hindi kamatayan ang pinakamabigat kong kinatatakutan.
Ang pinakamabigat ay ang maiwan ang mga anak ko nang hindi pa sila handa, at ang mawala nang hindi ko pa natatapos ang tungkulin kong gabayan, mahalin, at suportahan sila.
Kaya kung minsan tahimik lang ako, huwag ninyong isipin na wala akong dinadala. Marami akong laban na hindi nakikita ng iba. Pero pinipili kong magpatuloy, hindi para sa sarili ko, kundi para sa mga mahal ko sa buhay.
Pagod na rin ako.
Nasasaktan na rin ako.
May mga araw na gusto ko na lang humiga at magpahinga.
Pero kapag naaalala ko ang mga anak ko at ang mga mahal ko sa buhay, nakakahanap pa rin ako ng lakas para bumangon at lumaban.
Dahil para sa isang ama, ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa dami ng salitang sinasabi, kundi sa tahimik na sakripisyong ginagawa niya araw-araw.
And as long as I'm breathing, hangga't kaya pa ng katawan ko, hindi ako titigil na lumaban para sa kanila.
#saturday0704session
#weekendreflections
#dialysiswarrior
#strokesurvivor
No comments:
Post a Comment