Dear Doctors;
Una sa lahat, I want to thank you for everything that you do. I can’t imagine what you have to go through to be where you are. Years of studying, sleepless nights, residency, fellowship, at ang araw-araw na responsibilidad ng pag-aalaga ng buhay ng tao.
Sa nakaraang dalawang taon na pagbisita ko sa Pilipinas, may ilang beses akong sumama sa aking mga magulang para sa kanilang check-up, gusto ko ring magtanong - Bakit kailangang ganito ang sistema?
Tumatawag kami para magpa-book ng appointment. Ang sagot lagi, “Ma’am, first come, first served po.”
Gets… okay naintindihan ko. Kaya maaga kaming pupunta. Tatanungin namin kung anong oras nagsisimula ang clinic. Bibigyan kami ng oras. Pero pagdating doon, puno na ang waiting area. Siksikan. Mainit. Minsan wala nang maupuan. At higit sa lahat… hihintayin pa namin ang doktor na darating isang oras o higit pa pagkatapos ng takdang clinic hours na sila mismo ang nagbigay.
Ang mas masakit? Karamihan sa naghihintay ay matatanda. May cancer. May diabetes. May hypertension. May mga taong mahina na ang resistensya. Sa sobrang sikip ng clinic, mapapaisip ka pa kung ang ipinunta mo bang gamutan ay magiging dahilan para makakuha ka ng ibang sakit.
Hindi ba puwedeng mas maayos? Hindi ba puwedeng may appointment system na gumagana? Hindi ba puwedeng respetuhin din ang oras ng pasyente?
Dahil ang totoo, hindi lang kayo ang abala. May mga anak na nag-leave sa trabaho para samahan ang magulang nila. May mga biyaheng ilang oras ang ginugol para makarating sa clinic. May mga pasyenteng hirap nang umupo o tumayo nang matagal. May mga taong nagbabayad din para sa oras na ginugugol nila sa paghihintay.
Dahil ba kailangan kayo ng mga pasyente, ibig bang sabihin ay kailangan na lang nilang tanggapin ang kahit anong sistema?
May isang tanong na paulit-ulit na pumapasok sa isip ko. Sa sobrang hirap ba ng medical school, nakalimutan na bang ituro ang professionalism? Ang empathy? Ang pagrespeto sa oras ng ibang tao?
Hindi sapat ang pagiging magaling na doktor kung nakakalimutan na nating maging makatao. Ang titulo ay nagbibigay ng kredibilidad. Pero ang pagtrato sa tao ang nagbibigay ng respeto.
Hindi ko sinasabing lahat ng doktor ay ganito. May mga kilala din akong napakabait, punctual, at tunay na malasakit ang ipinapakita sa kanilang mga pasyente.
Pero sana, para do’n sa mga sanay na sanay na para silang celebrity na pinaghihintay ang fans nila, maalala ninyo na ang bawat taong naghihintay sa labas ng clinic ay may sariling pinagdadaanan. May sariling pagod. May sariling takot. At higit sa lahat… Karapat-dapat din silang tratuhin nang may dignidad at respeto. Hindi lang dahil sila ang pasyente. Kundi dahil tao rin sila.
Kaya napakahirap na umunlad ang bansa natin di lamang politikong corrupt ang meron sa Pilipinas, may mga tao na kagaya ninyo na naturingan “professional”’pero walang konsiderasyon at pagpapahalaga sa oras ng iba.
- Mula sa isang anak na gusto lang sana ng mas maayos na healthcare experience para sa kanyang mga magulang.

No comments:
Post a Comment