Bilang customer, masakit isipin na ang laptop o gadget na matagal mong pinag-ipunan ay ipinagkatiwala mo para maayos, pero imbes na gumaling, lalo pang lumala. Ang mas masakit? Parang kasalanan mo pa, tapos pagkatapos masira, parang iniwan ka na lang sa ere. Diyan pumapasok ang salitang accountability.
Itong laptop ni sir, simpleng cleaning lang sana. Pero dahil sa maling paghawak ng liquid metal, lalo itong nagkaproblema. Umuwi siyang dala ang halos ₱100k na laptop na hindi na magamit. Umikot pa siya sa iba’t ibang repair shop at halos iisa ang sinabi—wala na raw pag-asa, o kung meron man, aabot ng ₱30k–₱40k ang gastos.
Sa awa ng Diyos, yung laptop na halos isang taon nang nakatambak at sinabing wala nang pag-asa, nabuhay namin ulit sa halagang ₱2,000.
Alam n’yo mga kasabwat, isang taon na rin ang nakalipas nang maranasan namin ang halos kaparehong sitwasyon. ₱120k na laptop naman ang biglang hindi na gumana pagkatapos naming linisin. Wala namang perpektong technician. Ang kaibahan lang, hindi kami nagtago. Inamin namin ang pagkakamali, kinausap namin ang customer, at sinabi namin na kapag hindi namin naayos, papalitan namin ng brand-new.
Noong una galit si sir, pero nang marinig ang solusyon, napangiti. Feeling ko ang nasa isip niya, “Sana ’wag na lang maayos… instant brand-new!” 😂
Pero sa awa ng Diyos, naayos din namin ang laptop. At ang mas nakakatuwa, hanggang ngayon sa amin pa rin siya bumabalik.
Kasi para sa akin, ang pera kayang kitain ulit. Pero ang tiwala, kapag nasira, hindi mo na mabibili kahit gaano pa kalaki ang budget mo. Accountability ang tunay na sukatan ng isang technician, lalo na kapag may nangyaring hindi inaasahan.
#rhobpangan
#LaptopRepair

No comments:
Post a Comment