BREAKING NEWS | “PURO PASS-ON NA LANG!” TULFO SUMABOG SA MERALCO SA SYSTEM LOSS CHARGE: “NAPAKAGANDANG NEGOSYO PALA 'TO—WALANG LOSSES!”
Nagliyab ang pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong Hulyo 30 matapos harapang kuwestiyunin ni Sen. Erwin Tulfo, committee chairman, ang depensa ng Meralco sa kontrobersyal na system loss charge, isang singiling matagal nang ipinapasa sa milyon-milyong electric consumers.
Ayon kay Tulfo, maging si Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan ay nagpahiwatig na maaaring malugi ang power distributor kung tuluyang aalisin ang system loss charge.
Ngunit lalo lamang uminit ang hearing nang ipaliwanag ng kinatawan ng Meralco kung bakit, anila, hindi praktikal na gawing zero ang non-technical system losses.
"Hindi naman papayagan ng anumang distribution utility na malugi sila dahil sa mga nagnanakaw ng kuryente. Mapipilitan silang gumastos para ma-curb o ma-eradicate ito. Kung mas malaki ang gagastusin nila kaysa sa magiging pakinabang ng customers sa pagtanggal ng system loss, hindi magiging fair sa consumers dahil mao-offset ang net benefit."
Sa madaling sabi, iginiit ng Meralco na kung sila ang sasalo sa buong gastos laban sa electricity theft at illegal connections, maaari ring bumalik sa consumers ang epekto sa ibang paraan.
Ngunit para kay Tulfo, mali ang mismong prinsipyong ipinaglalaban ng power distributor.
Hindi niya tinanggap ang argumento na dapat akuin ng consumers ang business risks ng isang pribadong kumpanya.
"I totally disagree with you. You're a business, yes. At the same time, you're catering to public service."
Ipinaalala ng senador na normal sa anumang negosyo ang magkaroon ng pagkalugi at dapat itong pinaglalaanan ng kumpanya, hindi ipinapasa sa publiko.
"Business, sir, ay may losses. Dapat you have to be prepared for that. Pinag-aralan ko 'yan sa eskwelahan. Normal sa isang negosyo ang magkaroon ng losses at dapat meron kayong allowance for losses."
Binatikos din niya ang ideya na ang dagdag na gastos ng Meralco sa paghabol sa mga jumper at illegal connections ay dapat ding ipasa sa buwanang electric bill.
"Are you saying na kapag kailangan ninyong magdagdag ng tao, ikakarga na naman sa bill namin? Hindi na problema ng consumer 'yan. Magdagdag kayo ng tao, mag-expand kayo—wala kaming pakialam doon. Ang gusto lang namin, kuryente."
Upang idiin ang kanyang punto, gumamit si Tulfo ng isang simpleng halimbawa.
"Kung nanakawan ang isang tindahan, tataasan ba niya lahat ng presyo ng paninda dahil nalugi siya? Dapat may allowance kayo sa losses. Ready dapat ang distribution utilities at electric cooperatives."
Lalong naging matalim ang mensahe ng senador nang sabihin niyang tila napakagandang negosyo ng electric distribution kung halos lahat ng pagkalugi ay naipapasa sa consumers.
"Bakit kami lagi? Kayo, wala na ba kayong sasagutin na losses? Puro na lang sa tao ang pass-on. Lahat na lang pinapass on. Napakagandang negosyo pala nito. Sana nagtayo na lang ako ng electric company—generation at distribution. Napakasarap pala ng negosyong ito. Walang losses."
Ipinaalala rin ni Tulfo na hindi mayamang bansa ang Pilipinas at bawat dagdag-singil sa electric bill ay direktang tumatama sa budget ng ordinaryong pamilya.
"Hindi tayo mayamang bansa. Yung sinisingil ninyo na ₱360, malaking halaga na 'yan. Imbes na pambili ng pagkain, kailangan pang ibayad sa kuryente."
Sa huli, mariin niyang sinabi na ang paghabol sa mga jumper, illegal metering at iba pang sanhi ng system loss ay responsibilidad ng Meralco bilang negosyo, hindi ng kanilang mga customer.
"Huwag ninyong sabihin na tataas na naman ang sisingilin sa consumer. Bakit sa amin? Bakit kami lagi ang sasalo? Problema ninyo 'yan. That is your business. Hindi kami parte ng Meralco."
No comments:
Post a Comment