Bawasan Ang Stress: 10 Paraan
Payo ni Doc Willie Ong
Lahat ng tao ay may stress sa buhay. May mga problema sa pera, trabaho, pamilya at pagmamahal. Para mabawasan ang iyong stress, subukang magdagdag ng mga ito sa iyong buhay:
1. Mabait na kaibigan – Ang pagkausap sa isang matalik na kaibigan ay puwedeng makatanggal sa 90% ng iyong problema. Ayon sa pagsusuri, ang pakikipagkuwentuhan sa kaibigan ay katumbas ng pag-inom ng pain reliever. Tanggal ang sakit ng ulo.
2. Alagang aso – Malaki ang naitutulong ng aso sa paggaan ng ating kalooban. Marunong kasing magbigay ng pagmamahal ang aso sa kanilang amo. Kung ika’y nag-iisa, baka gusto mong mag-alaga ng aso.
3. Alagang halaman o house plants – Ang buhay na halaman sa loob ng bahay ay nagbibigay ng oxygen sa atin at nagtatanggal ng polusyon sa ating paligid. Ang hilig ko ay ang “fortune plant” na madaling alagaan.
4. Tumawa. Kahit malungkot ka, subukang manood ng mga masasayang palabas sa TV o sa sine, tulad ng comedy at entertainment shows. Sa ganitong paraan, tataas ang mga mabubuting kemikal (endorphins) sa iyong katawan. Sasarap ang iyong pakiramdam.
5. Mag-shopping – Nakalilibang ang shopping. Kahit window-shopping lang ay puwede na. Hindi ka naman dapat bumili eh. Tumingin ng magagandang bagay sa mall at mababaling na ang iyong isipan.
6. Mag-tsismis – Ayon sa pagsusuri, nakatatanggal ng stress ang tsismis. Pero puwede namang magagandang balita ang pag-usapan at hindi iyong paninira sa kapwa.
7. Magsulat sa diary – May tulong ang pagsusulat ng iyong sinasaloob sa isang notebook. Naihihinga mo ang iyong problema.
8. Matulog – Ang tulog ay sadyang nagpapalakas ng ating katawan. Ito ang panahon na naghihilom ang katawan at nanunumbalik ang ating lakas at sigla.
9. Tumulong sa kapwa – Nakagagaan ng pakiramdam ang pagtulong sa kapwa nating mas mahirap sa atin. Nakikita natin na maliit lang pala ang ating problema kumpara sa ibang tao.
10. Magdasal – Siyempre, ang Diyos lang talaga ang kayang makaintindi at makatanggal ng ating problema. “Cast all you burdens upon Him and He shall give you rest.”
Gamitin ang 10 paraan na ito. Magdagdag nito sa iyong buhay at matatanggal ang iyong stress. Good luck!
No comments:
Post a Comment