Sunday, April 26, 2026

meralco bill ano na.

 (Paunang salita: Hindi ako binabayaran ng Meralco, ng gobyerno, o ng sinoman para gawin ito. Bukal sa kalooban ko itong niri-research at isinusulat para mas maintidihan ng lahat ang nangyayaring paglobo ng bayarin sa paggamit sa kuryente, lalo na ngayong Abril.)
Chapter 2: Mga Withholding Taxes, Senior Citizen, at Lifeline
Sa ating Meralco bill, may iba’t ibang buwis at singil na napupunta sa gobyerno. Mula sa generation charge hanggang sa ating konsumo ng kuryente, may bahagi ng singil na kasama ang buwis. Ano-ano ang mga ito?
Ang 10.38% ng kabuuang bill ay tumutukoy sa government taxes na direktang napupunta sa gobyerno. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Local Government Taxes
Current RPT o Reinvestment Fund for Sustainable Capital Expenditures — Bahagi ito ng koleksyon ng distribution utilities para sa mga capital expenditure project. Ginagamit ito para sa infrastructure improvements at network expansion. Ito ay nire-regulate ng ERC at hiwalay pa sa distribution fee.
Local Franchise Tax — Ito ang buwis na binabayaran ng Meralco sa lokal na pamahalaan.
Value Added Tax para sa National Government
Generation Charge VAT — 11.05% ng total government taxes.
Transmission Charge VAT — 11%.
System Loss Charge VAT — 11.04%.
Distribution Charge VAT — 12%.
Senior Citizen Charge
Ang Senior Citizen Charge sa Meralco bill ay nagsimula noong Enero 2011 bilang bahagi ng programang alinsunod sa Republic Act 9994, o ang Expanded Senior Citizen Act of 2010.
Sa konteksto ng Meralco, layunin ng programang ito na magbigay ng 5% discount sa mga senior citizen na ang buwanang konsumo ng kuryente ay hindi lalampas sa 100 kWh.
Lifeline Charge
Ang Lifeline Charge naman ay tumutukoy sa Lifeline Rate subsidy o Lifeline discount, isang socialized pricing scheme para sa mga kwalipikadong low-income na pamilya na may buwanang konsumo na 100 kWh o mas mababa pa. Nakabatay ito sa Republic Act 9136, o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), na nilagdaan noong June 8, 2001.
Karaniwang benepisyaryo nito ang mga miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.
Ang Senior Citizen at Lifeline ay parehong government-mandated policies. Ibig sabihin, may mga programang ipinasa ng gobyerno na ang gastos ay naipapasa sa mga nagbabayad ng kuryente.
Halimbawa ng Komputasyon
Kung ikaw ay isang karaniwang empleyado, may asawa at dalawang anak, at kumikita ng PHP30,000 kada buwan, dapat kang magbayad ng PHP1,375.05, o 15% ng halagang lampas sa PHP20,833.
Komputasyon:
PHP30,000 - PHP20,833 = PHP9,167
PHP9,167 x 15% = PHP1,375.05
Ibig sabihin, ang take-home pay mo, matapos bawasin ang SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG, ay magiging PHP25,254.95.
Buwanang Gastusin
Babayaran mo pa ang mga sumusunod:
Renta sa bahay — PHP5,000
Grocery — PHP6,000
Pamasahe (PHP200 x 10 araw) — PHP2,000
Tubig — PHP1,000
Kuryente — PHP3,000
Pag-aaral ng mga anak — PHP5,000
Insurance — PHP1,000
Bayad sa pagkakautang — PHP1,000
Sa kabuuan, aabot ito sa humigit-kumulang PHP24,000 kada buwan, kaya’t PHP1,000 na lamang ang natitira bilang ipon.
Isyu Sa Buwis
Lahat ng binabayaran mo ay may kasamang 12% VAT. Ibig sabihin, nagbabayad ka na ng buwis noong kinita mo pa lamang ang iyong sahod, at nagbabayad ka pa rin ng buwis sa halos lahat ng pangangailangan ng iyong pamilya.
Mas masakit dito, ikaw pa rin ang sumasalo sa pantawid na bayarin sa kuryente ng mga senior citizen at mga benepisyaryo ng 4Ps. Wala namang masamang hangarin laban sa kanila — nararapat lamang silang tulungan, ngunit ang tanong ay: dapat ba itong nakapatong pa rin sa mga regular na nagbabayad ng kuryente?
May mga programang gaya ng RA 9994 at RA 9136 na dapat sana ay nagmumula na sa mga buwis na una mo nang binayaran. Gayunman, sa aktuwal na sistema, naipapasa pa rin ang bigat nito sa mga konsyumer.
Hindi lang ito bill sa kuryente. Bill din ito ng sistemang laging sa ordinaryong Pilipino ipinapasa ang bigat.
Buwis sa sahod. Buwis sa bilihin. Buwis sa serbisyo. Tapos sa kuryente, tayo pa rin ang sumasalo sa mga programang dapat gobyerno ang tunay na may sagot.
Hindi ito patas. Hindi ito makatarungan. At siguradong hindi ito ang ibig sabihin ng “serbisyong para sa mamamayan.”

No comments: