Saturday, September 20, 2025

GAA General Appropriation Act.

Ano ba talaga ang unprogrammed funds?

Kung ang GAA ay parang menu ng handaan ng gobyerno, dapat lahat ng ulam nakasulat doon para alam ng lahat kung ano ang ihahain at magkano ang presyo. Pero may tinatawag na unprogrammed funds, ito ang “sobre” ng chef na nakatago sa bulsa. Kapag may dumating na dagdag na pera o umutang ang may-ari ng handaan, bubunutin ang sobre at biglang maglalabas ng lechon o seafood platter na hindi napag-usapan ng mga bisita. Ang problema, pera pa rin ng mga bisita ang ginastos, pero wala silang alam.

Ganyan mismo ang isyu kay Joel Villanueva. Noong hinamon niya ang kanyang akusador na hanapin ang flood control projects sa makapal na GAA, kampante siyang wala itong makikita. Totoo naman, wala sa menu. Kasi nasa sobre, sa unprogrammed funds section ng 2023 budget. Walong proyekto na tig-75M, kabuuang 600M, ang na-link sa kanya.

At hindi lang siya. Ayon kay Senador Ping Lacson, pati si Jinggoy Estrada ay hindi pa cleared sa alegasyon ng budget insertions. Kapag naririnig ang mga pangalan na ito paulit-ulit na nadadawit sa “sobre politics,” lalong lumilinaw kung bakit delikado ang unprogrammed funds.

Sa totoo lang, dapat malinaw ang gamit nito. Extra pera lang ito kung may excess revenue o bagong loan. Pero sa praktika, nagiging hidden wallet na pinaglalagyan ng malalaking proyekto na hindi dumadaan sa parehong linaw at debate gaya ng regular budget. Sa dami ng flood control at DPWH projects na paulit-ulit nang tinawag ng COA na imbakan ng pork at ghost projects, hindi nakakapagtaka kung dito rin naitutulak ang mga questionable insertions.

Kaya hanggang hindi nabubuksan sa publiko ang lahat ng nasa unprogrammed funds, at hindi naipapakita kung sino ang nagpasok at sino ang nakinabang, mananatili itong pinakamalaking butas sa transparency ng ating budget.

Tanong lang, kung talagang malinis, bakit ang pinakamahal na ulam laging nasa sobre, hindi sa menu? At bakit sina Joel at Jinggoy ang paulit-ulit na nahuhuli sa kusinang iyon?



No comments: