Isang Bukas na Liham para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginoo Pangulo,
Nakita namin ang inyong luha habang nagsasalita tungkol sa hirap ng taumbayan. Totoo iyon, hirap ang Pilipino. Hirap sa taas ng bilihin, dagdag singil sa kuryente, baha na paulit-ulit nanlilimita sa kabuhayan. Ngunit, Ginoo Pangulo, hindi sapat ang luha. Ang kailangan ng bayan ay tapang na tapusin ang ugat ng paghihirap, ang sistematikong korapsyon.
Alam natin kung saan lumulubog ang pera:
* Sa bilyon-bilyong flood control projects na paulit-ulit ginagawa ngunit baha pa rin tayo.
* Sa midnight insertions sa bicam na walang nakakaalam.
* Sa mga pork barrel na sinabi nang labag ng Korte Suprema pero bumabalik gamit ibang pangalan.
Habang lubog sa tubig ang mamamayan, lubog sa luho ang iilang politiko at kontratista.
Kung tunay ninyong damdam ang paghihirap ng taumbayan, narito ang malinaw na hakbang:
1. Buksan ang Bicameral Conference Committee.
Kung kaya ng barangay meeting ang FB Live, kaya rin ng Senado at Kongreso. Livestream ang bicam, ilabas online bawat insertion at bawat tinapyas.
2. Mandatory Transparency at Open Contracting.
Nasa bagong RA 12009 o New Government Procurement Act na dapat lahat ay naka-PhilGEPS. Pero kulang pa rin ang accessibility. Gamitin ang modelo ng Ukraine ProZorro, isang public dashboard kung saan makikita ng kahit sino kung magkano ang proyekto, sino ang nanalo, at nasaan na ang status.
3. Mas Mahigpit na Parusa at Blacklisting.
Wakasan ang raket ng dummy corporations. Sa South Korea, hindi basta ban, may surcharges at criminal cases laban sa nagsabwatan. Sa atin, kailangan ng centralized blacklist, mandatory beneficial ownership disclosure, at real jail time para sa repeat offenders.
4. Independent Technical Oversight.
Sa Netherlands, may Waterschappen o Water Boards, independent bodies run by engineers at hydrologists, hindi ng congressman. Dapat tayo rin ay magtatag ng Flood Control Authority na may sariling ring-fenced budget at malinaw na mandato: protektahan ang buhay at kabuhayan, hindi pork barrel.
5. Karapatan ng Mamamayan at Proteksyon sa Whistleblower.
Sa India, ordinaryong mamamayan ay may statutory Right to Information. Sa atin, EO lang at limitado sa Executive branch. Kailangan ng full FOI law na saklaw pati Kongreso at LGUs. Kasabay nito, Whistleblower Protection Act para hindi matakot ang mga nasa loob na magsiwalat ng katiwalian.
6. Performance-Based Budgeting at Mas Malinaw na Audit.
Sa Chile, hindi sapat ang 100 percent completed sa papel, kailangan outcome. Gamit ang management indicators at evaluations, nakatali ang pondo sa aktwal na resulta. Sa Pilipinas, dapat may geotagged evidence, satellite validation, at COA performance audits bago mag-release ng susunod na tranche.
7. Kriminalisasyon ng Substandard Works.
Sa Hong Kong, hindi lang administrative case ang kapalit ng palpak na proyekto, krimen ito kapag may pandaraya. Dito sa atin, dapat gawing kriminal na opensa ang sadyang paggawa ng substandard flood control na nagdudulot ng pinsala, pagkamatay, at pagkasira ng kabuhayan.
At higit sa lahat, Ginoo Pangulo, huwag natin kalimutan ang mga panukala ng inyong sariling ka-tandem noong 2016, ang yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago. Kung tunay ang inyong luha, ipagpatuloy ninyo at i-mark as urgent ang kanyang mga panukalang tinawag na sincerity bills na hanggang ngayon ay nakabinbin:
* Freedom of Information Bill o FOI Law, para wakasan ang sikreto at padrino system
* Anti-Political Dynasty Bill, para wakasan ang monopolyo ng iilang pamilya sa kapangyarihan
* Anti-Premature Campaigning Bill, para tapusin ang kultura ng maagang pangangampanya na ginagawang negosyo ang halalan
* Anti-Epal Bill, para alisin ang pangalan at mukha ng mga pulitiko sa proyekto ng bayan
Dagdag pa rito, mayroon tayong panukala mula kay Senador Bam Aquino na dapat ding seryosohin kung tunay ang hangarin ninyo ng reporma. Ito ang Blockchain the Budget Bill na magtatayo ng National Budget Blockchain System, isang digital at immutable ledger kung saan nakatala ang bawat piso ng badyet mula appropriation, release, disbursement hanggang liquidation. Kung nais natin ng tunay na transparency, ito ang dapat ipasa upang maging imposibleng itago ang pork barrel at midnight insertions.
Ginoo Pangulo, hindi sapat ang retorika ng good governance. Ang kailangan ng bayan ay malinaw na aksyon: buksan ang bicam, ipasa ang FOI at Anti-Dynasty, protektahan ang whistleblowers, gawing kriminal ang substandard works, yakapin ang blockchain transparency, at wakasan ang epal politics.
Kung sarado ang bicam, may sikreto. Kung open ang bicam, mas mahirap magnakaw.
Kung sarado ang bicam, tuloy ang korapsyon. Kung open ang bicam, may hustisya.
Ang tanong: mananatili ba tayong luhaan, o kikilos tayo upang ang luha ng taumbayan ay mapalitan ng ginhawa, katarungan, at tiwala sa gobyerno?
Taumbayan po ang sumulat,
Nutribun Republic
No comments:
Post a Comment