Pagkain para sa Allergy
Payo ni Doc Willie Ong
Kapag ang nakaka-allergy tulad ng pollen, halaman, damo, alikabok at amag ay nakahanap ng daan papunta sa iyong ilong, ang iyong katawan ay maaaring ma-allergy dito. Ang iyong immune cells ay naglalabas ng histamine o kemikal na responsable sa sintomas ng allergy.
Magsisimulang magkaroon ng pamamaga sa sinuses at daanan ng ilong at nagkakaroon ng pangangati ng ilong at lalamunan, at pagbahing.
Maraming pagkain ang nakatutulong para mabawasan ang allergy at mapa-kalma ang immune system:
1. Fatty fish - Ang matatabang isda gaya ng salmon, sardinas, tuna, tamban at mackerel ay mayaman sa omega-3 fatty acids, na nakatutulong mabawasan ang pamamaga, ang direktang dahilan ng sintomas ng allergy.
2. Bawang - Ang bawang ay mataas sa antioxidant para sa immune system. Gamitin ang bawang na pampalasa na pagkain. Maaari rin hiwain ang isang buong bawang ng maliliit at nguyain o lunukin ito gaya ng tableta kada araw.
3. Sibuyas - Ang sibuyas ay may quercetin, isang antioxidant na tumutulong para mabawasan ang pamamaga at maaaring makatulong para maiwasan ang paglabas ng histamine ng katawan. Maaaring isama ang sibuyas sa iyong salad, sabaw, gulay at iba pa.
4. Yogurt - Ang benepisyo ng live bacteria na matatagpuan sa yogurt at iba pang fermented na produkto gaya ng kefir ay makatutulong na mapanatili ang good bacteria sa tiyan. Suriin ang label kung mayroong lactobacillus, bifidobacterium at bacillus clausii, bukod sa iba pang live, active cultures.
5. Kamote, madahong gulay, mani tulad ng almonds, avocado at spinach o kangkong. Ang mga pagkaing ito ay mayaman sa Vitamin B at Vitamin E.
6. Oregano, lemon balm, rosemary at iba pang herbs. Lagyan ng mga herbs na pampalasa ang iyong kakainin para makakuha ng maraming benepisyo.
Mga Nutritional Supplement
1. Omega-3 fatty acids - Kung ayaw mo ng lasa ng seafoods, maaaring makuha ang omega-3 fatty acids sa mga fish oil supplement para mapaginhawa ang allergy. Dosis: 1 gram kada araw.
2. Probiotics - Kung hindi kayang kumain ng yogurt araw-araw, maaaring uminom ng probiotic supplement. Hanapin ang produktong na mayroong lactobacillus, bifidobacterium at Bacillus clausii. Dosis: Uminom ng 1 billion bilang ng capsule 2 beses kada araw.
3. Vitamin C - Pwede uminom ng 500 mg-1 gram kada araw. Hindi pa tiyak ito.
Bawasan ang Pagkain ng mga sumusunod:
1. Matatabang karne - Matataas ang kaso ng allergy sa mga taong kumakain ng maraming taba dahil sa taglay na arachidonic acid, na nagdudulot ng pamamaga.
2. Red wine - Ilan sa mga taong may allergy ay maaaring sumasakit ang ulo kapag umiinom ng red wine dahil ang balat ng pulang ubas ay may histamine.
No comments:
Post a Comment