Stroke Sa Kabataan
Health tip ni Doc Willie Ong
May tinatawag na “Stroke in the young” kung saan ang kabataan edad 40 pababa ay puwedeng ma-stroke.
Sa Pilipinas, pangalawa ang stroke sa 10 pangunahing sakit na nakamamatay. May 110 Pilipino ang nasasawi bawat araw dahil sa stroke.
Alamin natin ang mga posibleng dahilan nito:
1. Maling pamumuhay (unhealthy lifestyle) - Dahil maraming kabataan ay may mga bisyo tulad ng hindi masustansyang pagkain, sigarilyo at alak, mas maaga sila nai-stroke. Kahit edad 20 pa lang ay puwede nang magkasakit ng high blood pressure, diabetes, at sakit sa puso. Ito ang nagiging dahilan ng stroke.
2. Rheumatic heart disease – Ang rheumatic heart disease ay isang sakit kung saan nasisira ang balbula (heart valves) ng puso. Ang kadalasang sanhi nito ay ang simpleng tonsillitis, o impeksyon sa tonsils. Ang bacteria mula sa tonsils ay puwedeng lumipat sa balbula ng puso at sirain ito. Para magamot ang tonsillitis, nagbibigay ang doktor ng antibiotics tulad ng Amoxycillin capsules sa loob ng 7-10 araw.
3. Congenital heart disease – Ang mga batang may butas sa puso (ASD, VSD at Patent Foramen Ovale) ay posibleng ma-stroke din. Sa butas ng puso dumadaan ang mga nagbubuong dugo at ito ang nagdudulot ng stroke.
4. Illegal na droga tulad ng shabu at cocaine – Huwag gumamit ng droga. Ang shabu ay isang pangunahing sanhi ng stroke sa kabataan. Pinapataas ng shabu ang blood pressure at tibok ng puso. Kumikipot din bigla ang ugat sa puso at utak (spasm).
5. Sobrang ehersisyo – Kapag matindi ang iyong ehersisyo, siguradong tataas ang iyong presyon at bibilis ang tibok ng puso. Minsan ay hindi nakakayanan ang “pressure” ng mga ugat sa utak at pumuputok ito.
6. Pagbubuntis at may high blood – May mga buntis na tumataas ang presyon kapag lumalaki na ang sanggol sa sinapupunan.
7. Problema sa dugo – May mga sakit na nagpapalapot ng dugo ng pasyente, at nagdudulot ng stroke. Ang halimbawa ay ang protein S at protein C deficiency, at polycythemia vera.
8. Mainit na lugar - Kapag mainit ang panahon, maraming tao ang na-stroke. Umiwas sa araw mula 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon.
May iba pang dahilan ng stroke sa kabataan tulad ng (1) abnormal na tibok ng puso (atrial fibrillation), (2) abnormal na ugat sa utak (cerebral aneurysm), (3) matinding migraine, at (4) oral contraceptive pills.
Para maging ligtas, magpa-check up ng regular sa inyong doktor.
No comments:
Post a Comment