Monday, April 19, 2021

Immune system

 Palakasin Ang Inyong Immune System

Health Tips ni Doc Willie Ong


Sabi nga ng iba, “Bawal magkasakit!” Paano ba tayo iiwas sa sakit? Magagawa natin ito kung mapapalakas natin ang depensa ng ating katawan. Ito ang ating mga white blood cells (puting selula) na pumapatay sa mga mikrobyo, bacteria, virus, at cancer cells. Dalawang klaseng white blood cells: may T cells (gawa ng Thymus gland) at B cells (gawa ng bone marrow).

Paano sinusukat ang immune system? Puwede natin tingnan ang dami ng iyong White Blood Cells (WBC) sa dugo. Ang normal na dami ay 4 to 10. Ang mababa ay 3 to 4. Ang sobra baba ay wala pang 3. Heto ang mga paraan para maging malakas at masigla ang ating white blood cells:

 Palakasin ang white blood cells sa pamamagitan ng pag-inom ng isang multivitamin araw-araw. Kadalasan ay kulang tayo sa zinc, selenium, iron, vitamins B, C at D. Kung tayo’y nagdi-diyeta o may sakit, ugaliing uminom ng vitamins.

 Kumain ng maberde at mapupulang pagkain tulad ng mga gulay, carrots, kalabasa at kamatis.

 Mag-ehersisyo pero huwag sobra. Ayon sa isang pagsusuri, mas kaunti ang nagkakasipon kapag regular ang pag-e-ehersisyo.

 Mag-relax at magpahinga. Mag-aral ng iba’t ibang paraan para mag-relax. Puwede ang yoga, masahe, meditation at pagbabakasyon.

 Magkaroon ng kaibigan o kapamilya na susuporta sa iyo. Malaki ang maitutulong niyan sa pag-iwas sa sakit.

 Matulog. Kapag may sakit na, kailangan ng katawan ang pahinga. Ang mahimbing na tulog ay talagang nagpapalakas sa ating katawan. Dito inaayos ng ating katawan ang mga nasirang selula.

 Huwag masyadong magpa-araw. May tulong ang kaunting araw sa paggawa ng Vitamin D sa katawan. Pero ang sobrang pagpapa-araw ay nakasasama sa immune system.

 Uminom ng 10 basong tubig. Basta may sakit ka, kailangan mo uminom ng maraming tubig para malabas ang toxins at init (lagnat) sa iyong katawan.

 Huwag agad agad uminom ng antibiotics. Karamihan ng mga sipon at trangkaso ay galing sa virus. Hindi ito mapapagaling ng antibiotics na pumapatay lang ng bacteria. Ang sobrang pag-inom ng antibiotics ay puwedeng makasama din dahil nawawala ang mga friendly bacteria sa ating katawan. Magtanong muna sa doktor.

 Magpabakuna. Mahalaga ang bakuna para maprotektahan ang ating katawan. Sinasanay ng bakuna ang paglaban ng katawan sa mga espesyal na mikrobyo. Sa mga edad 50 pataas, kailangan ng pneumonia vaccine at flu vaccine. Mahalaga din ang Hepatitis B vaccine at Tetanus vaccine. Sa mga bata, kailangan kumpleto din ang kanilang bakuna. Magtanong sa inyong doktor.

No comments: