Friday, April 09, 2021

Sore throat.

 Sore Throat o Masakit Ang Lalamuman

Ni Dr Willie Ong


Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng sore throat o masakit na lalamunan. Kadalasan ay nagmumula ito sa impeksyon mula sa virus o bacteria. Kapag virus ang dahilan, puwede munang hindi uminom ng antibiotics.

Ngunit kung namamaga ang tonsils at may mga puti-puti (nana) na nakikita sa lalamuman, ang ibig sabihin ay may bacteria ito at kailangan nang uminom ng antibiotics.


Mag-ingat Sa Tonsillitis:

Ang sintomas ng namamagang tonsils (mula sa bacteria) ay ang lagnat, sipon, at panghihina ng katawan. Para magamot ang tonsillitis, nagbibigay ang doktor ng antibiotics tulad ng Amoxycillin capsules sa loob ng 7-10 araw.

Kapag hindi naagapan ang tonsillitis, puwede itong magdulot ng rheumatic heart disease, kung saan nasisira ang balbula (heart valves) ng puso at puwedeng umabot sa operasyon. Kaya napakahalaga na magpasuri sa doktor.


Home Remedy:

Para mapabilis ang paggaling ng sore throat, heto ang aking payo:

1. Mag-mumog ng tubig na may asin (warm water with salt). Maglagay ng 1 kutsaritang asin sa isang basong maligamgam na tubig at haluin ito. Gamitin ito para mag-mumog ng ilang segundo. Mababawasan ng tubig na may asin ang pamamaga ng tonsils. Mag-mumog ng mga 4 na beses sa maghapon.

2. Uminom ng maraming tubig, tsa-a o sabaw. Uminom ng 8 basong tubig sa maghapon para lumabnaw ang plema.

3. Subukan ang chicken soup o nilagang manok . Ayon sa mga pagsusuri ni Dr. Stephen Rennard ng University of Nebraska, ang chicken soup ay tumutulong sa pag-alis ng pagbabara dulot ng sipon at plema. Pinipigilan nito ang pamamaga ng tonsils at paggawa ng plema (anti-inflammatory). Ang chicken soup ay may sangkap na amino acid, ang cysteine, na lalabas sa pagluto ng sabaw ng manok. Ang cysteine ay nagpapalabnaw ng plema (mucus) sa ating baga, at pinapabilis ang ating paggaling. Ang manok ay mataas din sa protina.

4. Kung masakit ang lalamunan, puwedeng gumamit ng throat lozenges. Ito yung mga candy na nakaka-ginhawa sa lalamunan.


Paalala: Hindi lahat ng sore throat at dahil sa impeksyon. Maaari din magdulot ng sore throat ang hyperacidity o pangangasim ng sikmura. Ang allergy ay puwede din pagmulan ng sore throat. Magpa-check-up sa doktor. Good luck po.

No comments: