SAGING: Ang Pinaka-healthy na Prutas sa Buong Mundo
By Doc Willie Ong
May kasabihan na “An apple a day keeps the doctor away.” Mali po iyan. Ang bago ngayon ay “Two bananas a day keep the doctor away.” Marami nang pagsusuri ang nagsasabi na ang saging ay sobrang healthy at napakabuti sa katawan.
Heto ang mga nilalaman ng isang saging na 100 grams: Calories: 88 calories, Vitamin A: 430 I.U., Vitamin B: Thiamine .04 mg., Vitamin C: 10 mg., Calcium: 8 mg., Iron: 6 mg., Phosphorus: 28 mg., Potassium: 260 mg., Carbohydrates: 23 grams, at Protein: 1.2 mg.
Sobrang Dami ang Benepisyo ng Saging:
1. Tiyan – Napakaganda ng saging para sa mga may ulcer at nangangasim na sikmura. Ang saging ay may sariling antacid na tinatawag na phospholid. May flavonoid din ang saging na parang tinatapalan ang mga sugat sa ating tiyan.
2. Puso – Mabuti ang saging sa puso dahil mataas ito sa potassium at bitamina. Lalu na kung umiinom ka ng mga gamot sa puso at altapresyon, dagdagan mo na rin ng 2 saging bawat araw.
3. Parang Multivitamin - Kung susuriin mo, parang multivitamin na ang saging dahil may vitamin A, B, C, Calcium, Iron, at Potassium ito. Kapag kumain ka ng 2 saging bawat araw, you can Have It All like Edu Manzano and Feel Complete like Piolo Pascual. Tipid pa!
4. Mabuti sa Colon - Dahil mataas sa fiber ang saging, puwede itong panlaban sa colon cancer at iba pang sakit ng bituka natin.
5. Good for exercise – Sa mga mahilig mag-ehersisyo at mag-Gym, kailangan mo ng saging para hindi bumaba ang iyong potassium. Magbaon ng 2 saging sa bag lagi, tulad ko.
6. Para sa stress at pang-relax – Alam ba niyo na ang saging ay may tryptophan? Ito’y isang kemikal na nagpapasaya sa atin at nagpapaganda ng ating emosyon. Kaya kung depressed ka dahil iniwan ka ng iyong girlfriend, huwag nang lumuha, mag-saging ka na.
7. Pang-baon talaga – Kaibigan, kaya mo bang magbaon ng abokado o mangga sa bag? Hirap kainin hindi ba? Pero ang saging ay napakaganda ng lalagyan. Talagang ginawa ng Diyos para kainin.
8. Baka makabawas ng Leukemia at Hika sa Bata – May pagsusuri na nagsasabi na kapag ang bata o sanggol ay lagi mong papakainin ng saging, mas hindi sila hihikain, at hindi rin sila magkakaroon ng leukemia. Hindi pa ito tiyak, pero marami ang naniniwala nito.
Paalala lang para sa mga may diabetes huwag sobrang daming saging ang kakainin dahil may asukal pa din ito. Isang maliit na saging lang kada kain. Sa mga may sakit sa bato, hindi rin pwedeng kumain ng sobrang saging dahil bawal ang mataas na potassium sa mga nagda dialysis.
No comments:
Post a Comment