Manhid ang Kamay: Carpal tunnel syndrome
Payo ni Doc Willie Ong
Kung ang daluyan ng nerve (ugat) ay narabahan o namaga, naiipit ang nerve at nakakaapekto sa pakiramdam at paggalaw ng kamay. Ang sobrang pressure ay maaring maging sanhi ng carpal tunnel syndrome. Kung ito ay hindi gagamutin, posibleng permanenteng masira ang nerve at muscle.
Ang mga factors sa pagkakaroon ng carpal tunnel syndrome ay ang mga mabibigat na trabaho dahil sa pressure sa ating palad, at ang mga paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat at matinding pagkilos ng kamay.
Mga sintomas:
1. Tingling o pamamanhid ng hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri, palasingsingan (hindi kasama ang maliit na daliri). Ang ganitong pakiramdam ay nararanasan sa gabi at pag-gising. Gayundin habang nagmamaneho, may hawak na telepono o dyaryo.
2. Pakiramdam na parang nanghihina ang mga kamay kaya may pagkakataon na nabibitawan ang hawak.
Tips sa carpal tunnel syndrome:
1. Ipahinga ang kamay - Sa bawat oras ng trabaho, magpahinga ng kahit 5 minuto, dahan-dahang i-stretch ang palad at kamay.
2. Baguhin ang iyong mga gawain - Mas mabuti kung baguhin o ibahin ang mga gawain kung ito ay posible.
3. I-deretso ang kamay - Iwasang baluktutin ang palad ng pataas o pababa. I-relax o wag masyadong higpitan ang paghawak. Iwasan humawak ng mahigpit habang nagmamaneho, nagbibisikleta at nagsusulat.
4. Lagyan ng mainit ang kamay (hot compress) – Puwede din magsuot ng gloves para mapanitiling mainit ang kamay at palad.
5. Gumamit ng wrist splint sa gabi para deretso ang porma ng kamay - Ang wrist splint ay nakatutulong mabawasan ang sakit o pamamanhid ng palad at kamay. Ang splint ay dapat na hindi sobrang sikip. Ayaw natin naka-baluktot ang kamay dahil naiipit ang nerve.
Kung ang sintomas ay lumalala, mag-patingin sa doktor. Ang splints, therapy o injection ay puwedeng i-rekomenda ng doktor. Kung nawawalan na ng lakas ang kamay, puwede itong operahan kung kinakailangan.
No comments:
Post a Comment