Iwas Sa Pagtatae
Payo ni Doc Willie Ong
Dumarami na ang kaso ng pagtatae dulot ng tag-init at climate change. Para maiwasan ang pagtatae, heto ang mga payo:
1. Siguraduhing malinis ang iniinom na tubig. Kung hindi tiyak kung malinis ang tubig, pakuluan ang tubig ng 5 minuto.
2. Takpan ang pagkain para hindi dapuan ng langaw at ipis.
3. Maghugas ng kamay bago magluto at bago din kumain. Mas maigi kung gagamit ng kutsara at tinidor.
4. Hugasan maigi ang mga gulay at ensalada bago kainin. Puwede kang magkasakit ng typhoid fever, amebiasis at gastroenteritis mula sa maduming gulay.
5. Siguraduhin ang wastong pagtapon ng dumi ng tao. Gumamit ng palikuran at linisin ito araw-araw. Nasa dumi ng tao ang mga mikrobiyo na nakahahawa sa iba.
6. Panatilihing malinis ang iyong kapaligiran. Itapon ang basura araw-araw para hindi pamugaran ng mga lamok, langaw at daga.
Ano ang first aid sa pagtatae?
1. Una, painumin ang bata o ang pasyente ng Oresol solution. Ihalo ang isang pakete ng Oresol sa isang basong malinis na tubig.
2. Kung wala kayong Oresol, puwedeng magtimpla sa isang basong tubig ng 2 kutsaritang asukal at one-fourth kutsaritang asin. Painumin ng madalas ang pasyente para mapalitan ang nawalang tubig sa kanyang katawan.
3. Bigyan ng BRAT diet. Ito ay ang banana, rice, apple at tea. Ang saging ay sagana sa potassium at nakapipigil sa pagtatae.
Tandaan: Kapag ang bata ay nanghihina, nakalubog ang mata, tuyo na ang dila, at lalo na kapag ayaw nang uminom, dalhin na siya agad sa pinakamalapit na health center o ospital.
Huwag balewalain ang pagtatae. Puwede itong ikamatay lalo na ng mga bata.
No comments:
Post a Comment