Thursday, May 01, 2025

Heidi M.

 Sa bawat patak ng pawis ng manggagawa, may kasamang buwis. Tax ng ina mo, ng ama mo, ng ate mong factory worker, ng kuya mong welder, ng pinsan mong nagbibilad sa init bilang delivery rider. Pero ang tanong: nakakarating ba talaga ang buwis nila sa serbisyong para sa kanila? O ninanakaw lang ng mga makakapal ang mukha sa gobyerno?


Ngayong Araw ng Manggagawa, hindi lang natin dapat ipagdiwang ang kanilang sipag. Dapat nating ipaglaban ang karapatan nilang makita kung saan napupunta ang pinaghirapan nila. Dahil ang pinakamalaking kawalanghiyaan ay hindi lang ang mababang pasahod, kundi ang gobyernong sinasahuran nila pero niloloko sila taon-taon.


Hindi ko makakalimutan ang araw na may kumatok sa bahay. Isang tricycle driver, nangingimi pero matapang. May inabot na P40. Sabi niya, “Para po sa tarpaulin. Wala po akong malaking maibibigay, pero gusto ko po kayong tumakbo.” Sa halagang P40, ipinaalala niya sa akin kung sino talaga ang boss sa laban na ito — ang mga manggagawa.


Hindi ko kailangan ng machinery o milyon-milyong pondo para manindigan. Ang puhunan ko: tiwala ng mga ordinaryong Pilipino na nagsusukli ng barya, hindi para bumili ng boto, kundi para manindigan laban sa kurapsyon.


Ang pagtakbo ko ay hindi para sa kapangyarihan. Hindi para sa sarili. Ang pagtakbo ko ay alay sa bawat manggagawang tinataga ng buwis pero binabalewala ng sistema. Para sa perang inutang, pinagpawisan, pero ninanakaw. Para sa laban na matagal nang hindi patas — pero puwedeng itama.

No comments: