Thursday, April 09, 2020

4P's proud story.

Ako po si Ricabell Joy C. Agojo, isa po ako sa mga naging benepisyaryo ng Expanded Scholarship Grant in Aid for Poverty Alleviation na saklaw po ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala na 4Ps.

Isa po ang pamilya ko sa milyon-milyong miyembro ng 4Ps. Ito po ay programa ng DSWD na tumutulong sa mga nasa laylayan ng lipunan. Marami pong natutunan ang aking pamilya sa pagiging 4Ps member. Natutulungan nito kung paano paangatin ang moral, maging kung paano mo ihahandle ang iyong emosyon bilang isang indibidwal.

Isang Water Operator ang aking Ama at isang Mabuting Kasambahay naman ang aking Ina. Iyan po ang ikinabuhay namin. Maraming pagkakataon na isa o dalawang beses lang kami kumakain noon dahil hindi naman kalakihan ang kinikita ng aming mga magulang. Lalo na nung nag hayskul na ako. Dun ko mas naramdaman ang hirap ng buhay namin dahil lumalaki ang gastos namin sa pag aaral. Mas nagising ako sa katotohanan na hindi kahirapan ang tututol para hindi ko maabot ang aking mga pangarap. Maaaring mahirapan ako sa pag abot ng aking mga pangarap pero kailangan ko magtiis at harapin ang kahirapan para makuha ko ang aking mga pangarap. Pangarap na maiahon sa hirap ang aking mga magulang!

Bilang isang Iskolar ng Gobyerno, hindi din naging madali para sa akin ang aking pag aaral. Pero pinilit kong yakapin ang hirap. Malayo ako sa aking pamilya. Oo nga po at libre ang aking pag aaral pero napakahirap po ng malayo sa pamilya habang nag aaral. Kaya napaka swerte ng mga estudyante na may inuuwian kada araw na pamilya. May pagkain na nakahain, may maglalaba ng tubal at may magpapalakas ng loob kapag pakiramdam mo susuko kana dahil nahihirapan ka intindihin ang lesson niyo. Pero mas naisip ko na mas mahirap pa din yung dinanas naming kahirapan kumpara sa mga pinagdadaanan ko. Sarili ko lang din ang kausap at kayakap ko ng mga panahong naiyak na ako dahil hirap na hirap ako. Kapag walang wala na ako pambili ng pagkain at kapag may biglaang bayarin sa iskul, kase po halos palagi pong delayed ang allowance namin mula sa gobyerno. Kaya napapaiyak na lang ako sa sitwasyon ko pero hindi ko naisip sumuko dahil may pangarap ako at ayoko masayang ang pagkakataong ibinigay sakin na makapag aral. At hindi ko na din mabilang kung ilang beses ako umiyak para maabot ko ang aking pangarap, ang makapagtapos ng pag-aaral.

Sa awa po ng Diyos at sa tulong ninyo, Nakatapos po ako ng aking pag aaral sa kursong Bachelor of Science in Information Technology.

Masakit para sa akin na makarinig ng sumbat o panglalait galing sa kapwa ko Pilipino. Maging ako po ay isang ganap na taxpayer na din sa ngayon at masasabi ko na napakasarap sa pakiramdam na nakakatulong na ako sa mga katulad kong bunga ng Programa ng Gobyerno (4Ps).

Gusto ko po magpasalamat sa DSWD Region IV-A lalo na po sa Municipal Link ng Taal na si Mam Mhyne Bathan Lazona na walang sawa sa pag aassist sa akin, Sa ESGP-PA at lalo't higit po sa inyong mga Taxpayer. Kayo po ang naging tulay kaya maraming nasa laylayan ng lipunan na katulad  ko ang nakapagtapos sa pag-aaral. Nawa marami pa po kayong matulungan.

"I COULDN'T MAKE IT WITHOUT YOUR TAX."

PS. Hindi po kami tamad, nagkataon lang po na hindi pareho ng mga hanapbuhay ang magulang natin.

PPS. Hindi po tamad ang aking mga magulang dahil simula bata po ako hindi ko naman po nakita huminto sa paghahanapbuhay ang aking mga magulang.

PPPS. Don't belittle us, instead help us. #SpreadLove

God Bless po sa ating lahat.

Ricabell Joy Capul Agojo
BS Information Technology
CvSU Main Campus- Indang, Cavite
Batch January 2019

#Proud4PsScholar
#ESGPPAScholar
#Salamat4Ps
#ChangingLives
#ThanksGod

No comments: