The view from our room.
Kami po ay lumaki sa Tondo. Malapit sa pier. Ang bahay namin ay katabing-katabi ng isang kumpol ng iskwater. Mabaho. Magulo. Maingay.
Ang mga bata nakahubad. Mga payat pero malalaki ang tiyan. Madumi. Malnourished. Pagala-gala sa kalsada. Maaga pa lang gising na sila. Mamamasada ng jeep, "padyak", magtitinda sa Divisoria, mamamasura, maglalako ng gulay, maglabada, etc. May mga bata na kasing edad ko noon, mga less than 10 years old ang maiiwan para magbantay sa mga kapatid, o kaya sa lolang may sakit. Magkano nga ulit ang dialysis? Di lubos maisip saan nila kukunin. Masipag sila. Hindi biro ang mag-"padyak" buong magdamag, o kaya maglako sa Divisoria sa gitna ng init. Hindi biro magtrabaho na alam mong isang 7 years old lang pinag-iwanan mo ng anak mo. Oo, merong iba na sa sobrang hirap, nakakagawa ng krimen. Like pagsssnatcher at panghoholdap. Pero sa iskwater area na yun, isa or dalawa lang sila. The rest, kayod kung kayod mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Pero kung ikukumpara ang hanapbuhay nila sa hanapbuhay nating mga nakaupo sa harap ng computer, de aircon, may lunchtime at nasweswelduhan ng maayos, may bonus pa, ahh! Di hamak na mas masipag sila. Kayod kalabaw. Isang kahig isang tuka.
Meron kaming sari-sari store noon. At doon ako namulat sa isang kahig-isang tuka na pamumuhay ng mga tiga-iskwater. Bibili sila ng kalahating kilo bg bigas at 1 noodles chicken flavor at 8 silang maghahati kasama ang mga bata. Dadamihan lang nila yung tubig sa noodles. Tinatanong ko si mommy noon, bakit ganun sila mamili? Bakit paisa-isa samantalang kami pag nag-ggrocery, by bulk? Sabi nila mommy, yan lang kasi ang kaya nila. Minsan nagugulat ako, 1/4 kilo lang ng bigas ang bibilhin. Anong makakain mo sa 1/4 na kilo ng bigas? Pag medyo nakaluwag luwag sila, beef noodles naman bibilhin nila (mas mahal kasi noon ang Lucky Me Beef kesa chicken). O kaya may kasamang sardinas. Natutuwa ako pag nakakabili sila ng 1 kilo ng bigas. Sa isip namin, "abah may kita siguro sila ngayon. Good for them."
Nag-aral ako ng elementarya sa isang malapit na public school. Grumaduate akong Valedictorian out of 11 sections na may around 40 plus students per section (gusto ko lang ipagyabang na valedictorian ako. Joke. hahaha!). Pero ang punto ko, sa lahat ng yan na grumaduate sa amin, hindi lahat ay maganda ang buhay ngayon. Namulat ako na ang ibang estudyante, nakatsinelas pag pumapasok. O kaya sira ang sapatos. Sira ang bag. Yung iba sa plastic lang nilalagay ang libro. Yung mga notebooks nila recycled. Ang ginagawa nila, tinatahi nila yung notebook. Minsan may baon sila, minsan wala. Pera baon nila kasi daw walang time at pera ang mga magulang nilang mag-prepare ng baon para sa kanila. Bibili sila ng isang tinapay. Maswerte na yung kung may baon sila. Minsan wala. Yung uniform nila nangingitim na siguro dahil yung sabon na gamit nila di mamahalin. Yung iba papasok sa school, antok na antok kasi daw tumulong pa maglako nung gabi. Yung iba di makagawa ng assignment kasi naubusan ng kandila sa bahay, walang ilaw. Yung iba di makagawa kasi walang resources. Saan nga naman sila kukuha ng sagot sa assignment nila sa gitna ng baro-baro? Merong iba papasok sa school ng alas5 ng umaga, nilakad ilang kilometro mula sa bahay nila, araw-araw, kaya siguro nasira na ang sapatos, tapos pagdating sa school, pawis na at pagod na.
Samantalang ako, every year nakakapag-shopping sa National Bookstore. Naka-Skechers na latest model, naka-Puma na backpack na latest model, kumpleto ang baon (hotdog, peanutbutter sandwich, may Zest-O pa tapos may dala pa akong Coleman na cute. Minsan may chocolate pa galing sa mga Tito kong seaman. Pero minsan, pinapamigay ko sa classmates ko baon ko kapalit ng fishball na binili nila sa labas haha!). Pag may projects, sa akin lagi pinakamaganda. Eh may pambili kami ng materials sa National Bookstore eh. Tapos Engineer pa tatay ko tapos housewife mommy ko na may sari-sari store, so daming time ni mommy tumulong sakin. Hinahatid ako minsan ng daddy ko sakay ng kotse, de-aircon. Sinusundo ako ng mommy ko, magttricycle kami, minsan dadaan pa kami ng bilihan ng pizza na favorite ko. Pag-uwi ko sa bahay, matutulog ako, at gigising para kumain ng masarap na dinner tsaka gagawa ng assignment. Meron kaming isang set ng encyclopedia na binili si daddy worth P60,000 kaya masasagot ko talaga assignments ko. Focus lang ako sa studies kasi hindi naman kumakalam sikmura ko.
So sino ngayon sa amin ang privileged? Sino ang masipag? Minsan napapaisip tuloy ako, tama bang ako ang naging Valedictorian? Unfair diba?
Ganyan ang buhay. Madali para sa atin sabihin na "ang tatamad niyo kasi kaya mahirap kayo!". Merong iba, talagang tamad kaya walang malagay sa hapag-kainan. Pero may mayaman ding tamad di po ba?
Kaya nasanay kaming tuwing Pasko namimigay kami ng Noche Buena packs sa mga kapitbahay naming "iskwater" at pag birthday naman ni Inday Ria sa mga bata, pinapatikim namin ng Jollibee with loot bags. Masayang-masaya sila to the point na memorize nila kelan birthday ni Ria. Hindi ko rin pinipigilan si Ria makipaglaro sa kanila. Pag may extra kami, pinapamigay namin. Minsan nanglilibre din si daddy ng mga sidecar boys sa Jollibee or Chowking. Nakakatawa kasi tig-isa silang Lauriat. Sabi nung isang bata, di daw nya maubos, sobrang puno na daw tiyan nya. Di daw kasi sanay tiyan nya na madami ang kinakain at mabusog. Tapos ipapabalot niya para iuwi sa mga kapatid nila para matikman nila. Hindi namin ito pino-post, hindi namin kelangan ipost. Sabi nga nila "When you give, do not let your left hand know what your right hand is doing". Pero ngayon sinasabi ko kasi gusto ko maging inspirasyon ninyo. Madali kasing manghusga kung di ninyo ALAM.
Yan ang rason kung bakit sa public school dito naming mag-asawa balak pag-aralin si Inday Ria ng elementary. Kasi habang bata pa lang, mulat na sya. Dadalhin niya hanggang pagtanda kahit sa UST or Ateneo pa sya mag-aral. Kasi ayaw namin siya maging bulag sa realidad ng buhay-- na hindi lahat katulad niya. Sana, imulat niyo din mga mata ninyo.
Hindi po lahat ng mahirap tamad. Biktima lang sila ng sistema. Hanggang sa naipasa na nila sa anak nila. Oo, kasalanang lumaki na maging mahirap. Pero mas kasalanang lumaki ng matapobre.
Disclaimer: Di po kami mayaman. Middle class lang.
No comments:
Post a Comment