Sunday, April 12, 2020

Hindi kasalanan

“Hindi kasalanan ang ipanganak na mahirap. Ang kasalanan ay ang manatiling mahirap.” Yan ang mga salitang kinalakihan ko mula sa aking mga magulang.

Nagtitinda ng tsinelas sa public market ang mga magulang ko. Parehong hindi nakatapos sa pag-aaral kasi kelangang magtrabaho sa murang edad. Tatlo lang kaming magkakapatid na malalayo ang agwat ng edad dahil alam ng mga magulang ko na di nila kayang magpalaki at magpa aral ng maraming anak. Halos sa lola ko na kami lumaki. Maaga kasi sila nagpupunta ng palengke. Gigising ng madaling araw para lumuwas sa Baclaran ilang beses sa isang linggo at uuwi din ng gabi na. Wala silang day off. Pati weekends at holiday di sila tumitigil magtinda. Bihira lang namin sila makasabay kumain yun eh yung sa mga araw na me sakit isa sa kanila at di kayang magtinda. Sa maliit na bahay na itinayo sa lupa ng mga lolo ko sa father side kami halos nagkaisip kasama ng mga tsinelas na galing sa Baclaran. Hanggang ngayun pag nalulungkot ako inaamoy ko yung leather ko na wallet. Dun ako nakakaramdam ng comfort. Yun kasi ang kinalakihan ko – maliit na bahay na amoy ng balat na mga tsinelas. Sa public school kami nag aral ng elementarya. Wala kaming ibang damit o sapatos bukod sa ilang pirasong uniform. Pag meron akong birthday na pinupuntahan naka school uniform ako kasi wala naman ako ibang damit. Wala din pala kami birthday celebration. Wala naman din kasing pera bukod sa ipampapaaral namin. Wala pa kasing 4P’s noon.

Magtatapos ako ng highschool at medyo nakakaluwag na kami sana. Magtatapos ng elementary nun yung kapatid kong sumunod sa akin. Mas madali na sana ang buhay kaso nasunog ang palengke. Balik na naman kami sa wala. Di ko na alam kung ilang kilong talbos ng kamote ang inulam namin. Ang tatay sanay mag-ulam ng tubig na me asin o kape sa kanin pero hindi kami tinuruan. Umuuwi sila na may magkahalong putik at sunog na kusot ang mga paa hanggang tuhod kasi nagtinda sila sa nasunog na palengke. Buti na lang inilipat ang palengke nun pansamantala sa patso sa harap ng simbahan.

Kahit wala kami, sa UST ako pinag-aral. Yun lang daw kasi pwede nilang maipamana sa amin- magandang edukasyon. Nagbenta nanay ng konting gamit na naipundar nila. Nangutang din sa ilan naming naging tindera sa dating palengke. Buti na lang din naibalik na pwesto sa dating palengke. Sakto lang baon ko araw-araw para sa pamasahe at isang tanghalian sa P Noval. Minsang nawala yung wallet ko na me lamang pamasahe pauwi nangutang ako sa nagtitinda ng dyaryo sa tapat ng gate ng UST sa P Noval. Salamat manong sa pag papa utang. Nakauwi ako ng Bulacan. Di ako nagdadala ng libro kasi lahat ng libro ko mga second- third-hand na galing sa Recto. Di ko alam kung pang ilan na akong gumamit ng mga librong yun. Sigurado ako na di lang pangalawa o pangatlo. Halos mapunit na ang mga pahina at marami ng sulat ng iba-ibang naunang gumamit sa akin. Sa bahay ko lang pwede basahin dahil ayaw ko makita ng iba kaya halos 3 hanggang 4 na oras lang ang tulog ko araw-araw. Naaalala ko din na pag PE, dahil wala kami pambili ng sapatos sinusuot ko yung black na kungfu shoes na pambabae. Di ko alam kung napansin ng mga kaklase ko. Yun lang kasi ang sapatos na meron sa tinda ng mga magulang ko. After 4 years ng pagtyatyaga natapos din ako ng College. Cum laude ng BSPT batch 1991 kahit walang 4P’s.

Pagkatapos ng college pumasok ako sa Medicine. Papasok na rin ng College ang kapatid kong pangalawa at nasa elementary na yung bunso kong kapatid. Buti na lang me Dean’s scholar. Wala akong tuition fee pero kelangan pa rin ng miscellaneous fees, baon at pamasahe. Nagsimula na akong mag “house call” ng therapy tuwing weekends at weekdays pag me mahahabang break in between classes. Buti na lang maraming nagtiwala. Mas kumikita ako pag bakasyon. Dun ako nakakaipon ng pambili ng libro at pantulong para sa pagbayad ng miscellaneous fees. Kelangan ko ding mag-aral ng mabuti kasi mawawala ang scholarship ko pag di ko na maintain na no. 1 sa rank. After 4 years ulit ng puyat at pagtyatyaga nakatapos ako ng Medicine – Magna cum laude batch 1995. Kaya nung graduation, di ko napigilang umiyak during my valedictory address. Pasensya na sa mga pinaiyak ko nun.

With God’s grace, the rest is history as they say. Ngayun mas naiintindihan ko kung bakit nila sinasabi na hindi kasalanang ipanganak na mahirap pero kasalanang manatiling mahirap.


Erdie C. Fadreguilan, MD
Proud na mahirap na naging Duktor kahit walang 4P’s

No comments: