Monday, April 27, 2020

Ingat sa heat stroke.

Ingat kayo at madaming nagkakaroon ng heat cramps at heat exhaustion ngayon dahil sa sobrang init ng panahon. May ilan sa kanila humantong pa sa heat stroke.

Ang heat stroke ay sinasabing pinakamalalang uri ng hyperthermia. Ang hyperthermia ay kondisyong medikal na sanhi ng napakataas na temperatura ng katawan. Bukod sa heat stroke, kinabibilangan ito ng heat cramps at heat exhaustion.

Heat cramp ay yung pananakit at paninigas (pulikat) ng kalamnan dahil sa dehydration. Heat exhaustion naman pag may panghihina o panglalata ng katawan, panunuyo ng lalamunan, at pagkahilo.

Nangyayari ang heat stroke kapag hindi na nakakayanan ng katawan na pababain ang temperatura. Ang heat stroke ay isang medical emergency. Kapag hindi naagapan, nakamamatay ito.

Sanhi
Ang pagkabilad sa araw at pamamalagi sa lugar na lubhang mainit ay nagdudulot ng heat stroke. Ang katawan ay nauubusan ng tubig (dehydration) kung kaya’t hindi na ito nakapaglalabas ng pawis na isang paraan ng pagbababa ng temperatura ng katawan.

Mga maaaring magka-heat stroke
- Bukod sa mga may sakit sa pag-iisip, ang mga sanggol, mga taong nagtatrabaho sa labas at mga atleta ay posibleng magkaroon ng heat stroke. Gayundin ang mga matatanda na umiinom ng mga gamot para sa sakit sa puso, baga, at kidney.

Sintomas
- Ang mga biktima ng heat stroke ay kadalasang nakararanas ng sintomas ng heat exhaustion gaya ng pagkahilo, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagkaramdam ng matinding pagod at pananakit ng mga kalamnan. Kalaunan, ang mga sintomas ay tuluyang nauuwi sa heat stroke at nakararamdam ang biktima ng mataas na lagnat (41°C), mabilis na pagtibok ng puso, kahirapan sa paghinga, pagkabalisa, kumbolsyon at kawalan ng malay-tao.

Lunas
Ang biktima ng heat stroke ay dapat agarang pag-ukulan ng pansin. Dapat siyang dalhin sa malilim na lugar at pahigain. Tanggalin ang kanyang saplot at punasan o i-spreyan ng malamig na tubig ang katawan. Maaari ring pahiran ng yelo ang ibang bahagi ng kanyang katawan. Kung siya ay may malay, painumin ng malamig na tubig. Paypayan siya hanggang pawisan. Gawin ang mga ito hanggang bumaba ang kanyang temperatura.

Pag-iwas
Ang pag-iwas sa pagkabilad sa matinding araw ang pinakamabisang paraan upang hindi magkaroon ng heat stroke. Kung kinakailangan, iwasang lumabas sa oras ng matinding sikat ng araw o di naman kaya ay uminom ng maraming tubig kapag nasa labas. Iwasan ang pag-inom ng soda, kape, at alkohol sapagkat nakapagdudulot ang mga ito ng dehydration. Ugaliin ding magsuot ng mga maninipis at maluluwag na damit.

No comments: