Sunday, November 30, 2025

Wag maniwala agad.

MERON AKONG KWENTO! ☺️

Kahapon, nakasakay ako ng motortaxi papuntang QC. Pagdaan namin sa EDSA People Power Monument, biglang sabi ng rider,

“Magrarally na naman dito bukas mga NPA.”


Sabi ko,

“Hindi po NPA ’yon, kuya. Mga pari at obispo ang nananawagan niyan—para manindigan laban sa mga ninakaw sa bayan.”


(Mukhang di niya alam na pari ako. Hehe.)


Sagot agad niya,

“Bayaran lang naman yang mga pari na ’yan para pabagsakin si Sara.”


Sa loob-loob ko,

Grabe. Wala naman akong binanggit na pangalan.

Ganyan talaga kapag malalim ang kapit ng fake news—automatic ang script, kahit hindi tugma sa usapan.


Kaya pinaliwanag ko,

“Hindi gustong pabagsakin ng Simbahan ang gobyerno. Gusto lang naming panagutin ang dapat panagutin.”


Pero sagot ni kuya,

“Eh ayaw nilang paalisin si Bongbong. Kay Sara lang sila galit kasi di nila makontrol mga Duterte.”

Ayan na. Buong package ng disinformation—complete.


Sinabi ko ulit,

“Kuya, pare-pareho silang may mali.”


At doon siya biglang bumaba ng tono:

“Binoto ko si Bongbong noon… pero ngayon ayaw ko na. Adik daw. Yun lang naman ang magnanakaw tsaka mga alipores niya.”


Tinanong ko,

“Sino po nagsabi sa inyo na iboto siya noon?”


Doon na siya nawindang. 


Kwento siya tungkol sa “term sharing daw” nila ni Sara. 


Magulo. 

Paikot-ikot.


At doon ko lalo siyang naintindihan:

Hindi naman siya masama. 

Biktima siya. 

Biktima ng mga makapangyarihang 

minomolde ang “katotohanan” 

para sa sariling interes.


Kaya sinabi ko sa kanya ng diretso:

“Kuya… pari po ako. Kung NPA kami, kung bayaran kami… sige. Kapag may tinanggap akong kahit piso bukas sa pagpunta ko sa rally—diretso ako sa impyerno.” 


Handa akong itaya ang kaluluwa ko kasi alam kong totoo ang ipinaglalaban ko.


“‘Yung mga nagkakalat ng fake news… kaya rin ba nilang itaya ang kaluluwa nila?


At ’yung naniniwala agad sa kasinungalingan… handa rin ba nilang sabihin na kung mali sila, handa silang mamatay ngayon at humarap sa Diyos?”


Natawa siya at sinabi:

“Sir, wag naman ganyanan…

Parang nananakot kayo.”


Sabi ko,

“Hindi po ako nananakot.


Hindi lang kasi ako takot. Dahil ang ipinaglalaban namin, hindi para lang sa pamomulitika at hindi lang para sa sarili namin.


Para sa katotohanan. Para sa katarungan. Para sayo rin yun. Buhay ng mga Pilipinong matagal nang niloloko ng gobyerno na, di ba, sinasabi pa ngayon na sapat na daw ang 500 para sa katulad mong lumalaban ng patas habang sila, kasama yan si Sara, 500 million, kulang pa sa mga ginagastos nila.”


“Mas nakakatakot ang hayaan ko ang ibang tao na piliting mabuhay sa impyerno—yung impyerno ng kasinungalingan at manipulasyon, yung impyernong buhay kahit kaya namang makaahon sa buhay sana.”


Tahimik siya hanggang sa dulo ng biyahe.

At sa katahimikang iyon, feeling ko:

May nabasag sa paniniwalang liko.


At minsan… sapat na ang maliit na bitak para makasingit ang liwanag.


Sana magising…


Owkie. Punta na tayo sa EDSA! ☺️


#TrillionPesoMarch

No comments: