Heartburn o GERD (GastroEsopahageal Reflux Disease or Acid Reflux)
ANG heartburn ay isang kondisyon na walang kaugnayan sa puso.
Tinawag lamang itong heartburn sapagkat parang may nananakit sa dibdib kapag nakararanas nito ang isang tao.
Ano ang sintoma?
■ May mainit o “burning sensation” sa dakong dibdib, galing sa dakong sikmura hanggang sa leeg
■ May bumalik na maasim o mapait na likido sa bibig at lalamunan, lalo na kung nakahiga
■ Nahihirapang lumunok
■ Pag-ubo o waring pagkasamid
■ Pananakit ng dibdib
Ang nalalasahang maasim o mapait ay stomach acid na muling umakyat pabalik sa lalamunan. Sa pagdaan nito sa esophagus, nakakaramdam ng “burning sensation” (parang sinisilaban) sa dibdib. Nagkataong magkatapat ang esophagus at puso, kaya tinawag itong “heartburn.”
Hindi ito karaniwang nangyayari sapagkat ang pagkaing nalunok na at nagtungo na sa sikmura (stomach) ay di na dapat pang muling umakyat pataas. Mayroon kasing pamiit (sphincter) sa taas na bahagi ng stomach para pigilan ang pagbalik ng pagkaing nalusaw na sa lalamunan. Kapag nadeposito na sa stomach ang pagkain, sumasara na ang pamiit na ito. Yun ang normal na proseso.
Pero may pagkakataong nagiging gastado o humina ang naturang pamiit. O kaya’y waring nalilito ang naturang pamiit kung kaya bigla itong bumubukas kung kaya’t nakakapuslit ang ilang acid paakyat sa lalamunan. Hindi natin ito inaasahan kung kaya’t napapabalikwas tayo sa pagkakahiga at napapaubo dahil sa iritasyon sa lalamunan. At nalalasahan natin ang maasim na acid sa ating bibig.
Kung paminsan-minsan lang ito nangyayari, baka kailangan lamang na magkaroon ng pagbabago sa inyong karaniwang ginagawa. Pero kung naging madalas na ito, puwedeng magasgas at mairita ang esophagus na posibleng mauwi sa esophagitis. Nagbubunga ito ng mahirap na paglunok at pananakit ng dibdib. Kapag ganito na ang sitwasyon, ang tawag na dito ay “gastroesophageal reflux disease (GERD).”
Kahit sino ay puwedeng magkaroon ng sakit na ito. Kahit ang mga bata. Pero mas madalas makita ang GERD sa mga taong edad 40 pataas. Common din ito sa mga buntis dahil sa tumitinding presyon sa kanilang tiyan.
Ang pagiging mataba ay dahilan din kung bakit nagkakaroon ng heartburn. Ang ekstrang timbang ay nagdadagdag ng pressure sa sikmura at sa diaphragm (ang malaking muscle na naghahati sa dibdib at tiyan).
No comments:
Post a Comment